Nasawi ang isang 59-anyos na driver matapos pagbabarilin ng suspek sa kahabaan ng Narciso Ramos Highway sa Barangay Punud, Calanogas, Lanao del Sur, umaga ng March 19, 2026.

Kinilala ang biktima na si Jamail Mindalano, residente ng Barangay Curahab, Malabang. Dead on the spot ito matapos magtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng mukha at dibdib.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Calanogas Municipal Police Station, minamaneho ng biktima ang isang green Toyota Revo at patungo sana sa Marawi City mula Malabang nang harangin umano ito ng suspek na kinilalang si alyas Mamalo, nasa 44-anyos, residente ng Barangay Pantaon ng nasabing bayan.

Agad umanong pinaputukan ng suspek ang biktima nang ilang beses matapos pahintuin ang sasakyan. Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa isang .45 caliber pistol.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Barangay Pantaon.

Sa ngayon, patuloy parin ang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa suspek na nananatiling at large. Naabisuhan na rin ang mga kalapit na himpilan ng pulisya upang tumulong sa posibleng pagdakip nito.