Nabuwag ang isang hinihinalang drug den habang apat na umano’y tulak ng iligal na droga, kabilang ang isang babae, ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng mga otoridad sa Sitio Pangi, Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat kahapon, bandang alas-3:00 ng hapon.

Ayon kay Police Captain Sammy Paning, Deputy Chief ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, kinilala ang mga naaresto na sina Kadiguia Guiabel, 45; Kaharudin Paglas, 25; Aratok Adam, 35; at Gabrel Abang, 28, pawang mga residente ng naturang lugar.

Samantala, nakatakas naman ang pangunahing target ng operasyon na si alyas “Meds Mandi,” na patuloy ngayong pinaghahanap ng mga awtoridad.

Nasamsam sa operasyon ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na dalawang gramo at halagang P13,600, isang toother, dalawang android phone, at ang ginamit na marked money.

Kasulukuyang nasa kustodiya ng DOS PNP ang mga naarestong suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.