Limang katao ang naaresto matapos salakayin ng Philippine Drug Enforcement Agency–BARMM, katuwang ang iba’t ibang law enforcement units, ang isang drug den sa Purok Kabuntalan, Barangay Poblacion Mother, madaling-araw ng Agosto 21.
Alas-12:05 ng hatinggabi nang ikasa ng PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office, sa suporta ng PDEA Maguindanao del Sur, PDEA Lanao, Land Interdiction Unit, PNP Maritime Group, Cotabato City Police–City Intelligence Unit, City Mobile Force Company, at Regional Drug Enforcement Unit ng PRO-BAR, ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadismantle ng naturang drug den.
Nakumpiska mula sa operasyon ang 13 sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 15 gramo, marked money, isang cellphone, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Kinilala ni Director Gil Cesario P. Castro ang mga naaresto na sina alyas “Teddy,” 32, itinuturing na tagapamahala ng drug den; alyas “Marlon,” 44; alyas “Zol,” 28; alyas “Joharto,” 35; at alyas “Abad,” 32. Lahat ay pawang mga residente ng Cotabato City.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kabilang ang Sections 5 at 6 na may parusang habangbuhay na pagkakabilanggo.
Binigyang-diin ni Director Castro na patuloy ang pagtutok ng PDEA sa pagsugpo sa mga drug den na aniya’y malaking banta sa kaligtasan ng komunidad, lalo na sa kabataan.