Sinakop ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 11 ang isang hinihinalang drug den sa Andravel Street, Barangay Central, Mati City, noong Nobyembre 8, 2025, bandang alas-2:10 ng madaling-araw.
Sa isinagawang buy-bust operation ng Davao Oriental Provincial Office ng PDEA, katuwang ang RIU 11, 2nd Provincial Mobile Force Company, Davao Oriental Police Provincial Office, at Mati City Police Station, naaresto ang tatlong indibidwal kabilang ang isang empleyado ng gobyerno na kinilalang si alyas “Dak-Dak,” na umano’y co-maintainer ng nasabing drug den.
Kasama niyang nadakip sina alyas “Jen-Jen,” na sinasabing empleyado sa lugar, at alyas “Bembol,” na bisita nang mangyari ang operasyon. Samantala, nakatakas naman ang pangunahing target na si alyas “Donde,” at ang kasabwat nitong si alyas “Tan-Tan.”
Nasamsam sa operasyon ang anim na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 21 gramo at tinatayang halagang ₱252,000, iba’t ibang drug paraphernalia, isang .45-caliber magazine na may bala, at marked money na ginamit sa buy-bust.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















