Nasakote ng pulisya ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga na nakilalang si alias “Trex” sa isinagawang buy-bust operation sa San Jose Street, MB Tamontaka, Cotabato City kagabi.
Ayon sa ulat, bandang alas-6:20 ng gabi noong Marso 26, 2026 nang ikasa ng Station Drug Enforcement Team o SDET ng Police Station 3, Cotabato City Police Office sa pangunguna ni Police Captain Kenneth Van A. Encabo, ang operasyon katuwang ang PDEA-BARMM.
Kinilala ang suspek na isang 31-anyos, walang trabaho, at residente ng Purok Pimbaglan, Kalanganan II ng nasabing lungsod.
Agad na inaresto ang suspek matapos umanong makipagtransaksyon sa poseur buyer na nagresulta sa kanyang pagkakahuli sa aktong pagbebenta ng ilegal na droga.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















