Nanlaban ang suspek matapos na matunugan ang operasyon ng PDEA-BARMM na umabot sa 20 minutong palitan ng putok sa isang drug buy-bust operation sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Sa naging panayam kay PDEA Spokesperson Jocelyn Mary, kinilala nito ang nasawing suspek bilang si alyas Den, isang high valued target ng PDEA dahil sa kanyang mga transaksyon sa ilegal na droga.
Ayon kay Mary, dalawang linggo nang isinailalim sa monitoring ng PDEA ang suspek bago napagkasunduan ng kanilang mga ahente na sa Shariff Aguak isagawa ang drug transaction.
Matapos ang transaksyon, natunugan ng suspek na paparating ang dagdag na ahente kaya’t bumunot ito ng baril, nagkahabulan, at nagkabarilan hanggang siya ay na-corner sa masukal na Barangay Poblacion.
Nakatakas ang isa pang kasama ng suspek na si alyas Dats, habang ang biktima sa insidente ay agad na namatay matapos tumamaan sa katawan.
Nasugatan din ang isang PDEA-Agent sa naturang insidente, na agad isinugod sa ospital.
Nakumpiska naman mula sa nasawing suspek ang P340,000 na halaga ng shabu.