Napilitang ibalik sa Bureau of Treasury ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng aabot sa 658 na milyong piso na pondong inilaan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU para sana sa ikaapat na hakbang ng MILF o Moro Islamic Liberation Front Decommissioning Process.

Sa naging statement ni DSWD Undersecretary Alan Tanjusay na kumakatawan sa Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns o ISPS Cluster na ang nasabing pondo na mula sa opisina ng OPAPRU ay nakalaan para gamitin sa mga socio-economic interventions ng mga decommissioned combatants ng MILF bilang parte ng normalization track na napagkayarian sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.

Ayon kay Tanjusay, tutuloy na sana sila sa ikaapat na bahagi ng naturang decommissioning phase ngunit nagkaroon ng delay sa talaan ng opisyal na benepisyaryo kung kayat napagpasyahan ng dalawang ahensya na isauli ang nasabing pondo sa BTR.

Kabilang ang DSWD sa Task Force for Decommissioned Combatants and Communities at ang trabaho ng ahensya sa nasabing task force ay ang pagbibigay tulong gaya ng cash and livelihood grants, endorsement for skills training para sa mga DC’s at pamilya nito.

Ang listahan diumano ng mga beripikadong MILF decommissioned combatants ang isa sa requirements ng ahensya upang maibigay ang kinakailangang tulong para sa kanila.

Dagdag pa ni Usec. Tanjusay, ginawa nila ang pagsasauli ng pondo upang makaiwas sa mga magiging kaso at paglabag sa auditing regulations at upang magamit ng tama at maayos ang pondo.

Sa huli, siniguro ni Tanjusay na committed sa paniniyak ng kapayapaan at maayos na implementasyon ng peace process at ng normalization program kahit na may mga balakid o harang sa bagay na ito.