Nagbabala ang Securities and Exchange Commission – Koronadal Extension Office (SEC KorEO) sa publiko matapos makatanggap ng ulat ukol sa umano’y pagbebenta at pagpaparenta ng mga personal na e-wallet accounts gaya ng GCash, Maya, at maging bank accounts at Palawan Express.

Ayon sa SEC KorEO, ang ganitong gawain ay tahasang paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) o Republic Act No. 12010 na isinabatas noong Hulyo 2024. Lalong delikado kung ang mga account ay ginagamit sa mga kahina-hinala o mapanlinlang na transaksyon.

Babala pa ng ahensya, ang sinumang mapatunayang sangkot sa pagpapagamit ng kanilang account ay maaaring makulong nang hanggang 14 na taon at pagmultahin ng hanggang ₱5 milyon.

Dahil dito, hinimok ng SEC ang lahat na maging mapagmatyag at panatilihing ligtas ang kanilang mga account upang hindi magamit sa ilegal na operasyon ng mga scammer.