Patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng Mindanao ang Easterlies, o ang tinatawag na silangang hangin. Dahil dito, asahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may posibilidad ng mga pulo-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa BARMM Region.

Ayon sa ulat na inilabas ng PAGASA dakong alas-3:30 ng hapon ngayong Oktubre 12, 2025, inaasahan sa susunod na isa hanggang dalawang oras ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan na may kasamang kulog, kidlat, at malalakas na hangin sa ilang bahagi ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, BARMM, SOCCSKSARGEN, at Davao Region.

Kabilang sa mga lugar na posibleng maapektuhan ay ang mga lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Bukidnon, Misamis Oriental, Maguindanao del Norte, Sultan Kudarat, Sarangani, South Cotabato, North Cotabato, Davao City, Davao del Sur, Davao de Oro, at ilang bayan sa lalawigan ng Sulu.

Sa kasalukuyan ay nakararanas na ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Zamboanga del Sur, Lanao del Sur, at Bukidnon. Inaasahang magpapatuloy ito at posibleng makaapekto rin sa mga karatig na lugar sa loob ng isa hanggang dalawang oras.

Pinapayuhan ang mga residente sa nabanggit na mga lugar na mag-ingat, maging alerto sa mga posibleng pagbaha o landslide.