“Nagbubunga na ang ipinaglalaban ng bawat isa.” Ito ang mensahe ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Ahod Balawag Ebrahim sa unang salvo ng kampanya ng kanilang mga kandidato para sa kauna-unahang Halalang Parliamentaryo sa BARMM ngayong Oktubre.
Sa kaniyang talumpati, binalikan ni Ebrahim ang mahabang landas mula sa pakikibaka para sa karapatan at kalayaan ng Bangsamoro, hanggang sa negosasyon para sa kapayapaan, na nagbunga sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Tinukoy niyang bunga ng laban ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at ang Bangsamoro Organic Law (BOL) na itinuturing niyang puso at kaluluwa ng rehiyon at ng mga mamamayan nito.
Bagamat aminado siyang maraming pagsubok pa ang kinakaharap ng MILF at ng Bangsamoro, tiniyak ni Ebrahim na ang UBJP ay patuloy na maglilingkod para sa kapakanan ng nakararami at para mapanatili ang mga bunga ng ipinaglaban ng kanilang mga ninuno.
Makasaysayan aniya ang nalalapit na halalan dahil ito ang unang pagkakataon na ang Bangsamoro ay direktang makapamimili ng kanilang mga kinatawan sa Parlamento.
Sa huli, nagpasalamat si Ebrahim sa patuloy na tiwala at suporta ng mamamayan sa UBJP, na siyang nagsisilbing political arm ng MILF.