Patay ang isang Egyptian national matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang sasakyan sa Barangay Lumbangan, Divisoria, Zamboanga City nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ng Zamboanga City Police ang biktima na si Abdalrahman Elshawadfy Mohammed Elfaky, administrador ng Asia Academic School sa Barangay Tetuan at residente ng Matina Aplaya, Davao City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang kulay abong Toyota Innova nang lapitan umano siya ng hindi pa kilalang salarin at paulit-ulit na pagbabarilin.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang gunman sakay ng motorsiklo patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng BFP at ZCPO upang isugod sa pagamutan ang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival si Elfaky.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente. Tinitingnan ang posibleng motibo at sinusuri na ang mga CCTV footage sa lugar upang matukoy ang suspek na responsable sa pagpatay sa naturang Egyptian educator.

















