Hindi nakita ang buwan kagabi kaya’t hindi pa idineklara ang pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan sa Pilipinas.
Ayon sa deklarasyon ni Sheikh Abdulrauf A. Guialani, magpapatuloy ang pag-aayuno ng mga Muslim hanggang ngayong araw, March 20.
Ipinaliwanag ng Bangsamoro Grand Mufti na ang desisyon ay batay sa tradisyong Islamiko ng moon sighting o rukyah sa pagtukoy ng pagtatapos ng Ramadan.
Dahil dito, inaasahang sa Sabado pa March 21 ang opisyal na pagdiriwang ng Eid’l Fitr bilang hudyat ng pagtatapos ng pag-aayuno.
Ang Eid’l Fitr ay panahon ng pasasalamat sa Allah SWT matapos ang isang buwang pag-aayuno, panalangin at pagsasakripisyo ng mga mananampalataya.
Inaasahang magtitipon ang mga Muslim sa mga moske at open grounds para sa sama-samang pagdarasal o Salat al-Eid sa itinakdang araw ng pagdiriwang.
Kabilang din sa selebrasyon ang pagbibigay ng Zakat al-Fitr o tulong sa mga nangangailangan bilang pagpapakita ng pagkakawanggawa at malasakit sa kapwa.
Hinihikayat naman ang publiko na ipagdiwang ang Eid’l Fitr nang may kapayapaan, pagkakaisa at paggalang sa isa’t isa anuman ang pananampalataya.

















