Inilunsad kahapon, Mayo 5, ang Independent Election Monitoring Center (IEMC) sa Cotabato City sa gitna ng tumitinding pangamba sa karahasan, dayaan, at pagbili ng boto sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Sulu.

Ipinakita rin ang mga bagong teknolohiya sa pagbabantay ng eleksyon, kabilang ang Incident Management System at data center na gagamitin upang agarang matugunan ang mga iregularidad sa halalan.

Naitatag ang IEMC sa tulong ng mga grupo mula sa civil society, simbahan, akademya, at media upang mapanatili ang malayang pagboto at ma-monitor ang mga posibleng paglabag sa karapatang pantao at integridad ng halalan. Itinuturing itong hakbang na tugon sa mga paulit-ulit na alegasyon ng election-related violence at katiwalian sa rehiyon.

Maaaring magsumite ng ulat ang publiko sa pamamagitan ng text, tawag, o email, at ito ay ipoproseso sa real-time ng mga katuwang na ahensya. Ito ay bilang suporta sa mas malawakang kampanya kontra eleksyon fraud.

Ang nasabing hakbang ay bahagi ng paghahanda sa dalawang kritikal na halalan ngayong taon: ang National at Local Elections sa Mayo 12, 2025, at ang kauna-unahang BARMM parliamentary elections sa Oktubre 13, 2025.