Mariing kinondena ng Bangsamoro Government ang karumal-dumal na pananambang na kumitil sa buhay ng Election Officer na si Maceda Lidasan Abo at ng kanyang asawang si Jojo Abo sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ngayong umaga ng Marso 26, 2025.

Ayon sa inilabas na pahayag ng Bangsamoro Government, labis nilang ikinalulungkot at ikinagagalit ang walang habas na pagpaslang, lalo pa’t naganap ito sa banal na buwan ng Ramadan—isang panahon ng kapayapaan, pagpipigil sa sarili, at paglilinis ng kalooban.

Binigyang-diin ni BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua na ang nasabing pag-atake ay hindi katanggap-tanggap at labag sa mga pinahahalagahan ng mga Muslim. “Walang puwang sa Bangsamoro para sa mga kriminal. Hindi kailanman magiging tahanan ng karahasan at kasamaan ang ating rehiyon,” aniya.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang Bangsamoro Government sa mga naulilang pamilya nina Jojo at Maceda Abo, na kapwa inilarawan bilang mga tapat na lingkod-bayan.

Hinikayat ng pamahalaan ang mga mamamayan ng Datu Odin Sinsuat at ng buong Bangsamoro na magkaisa, magsalita laban sa karahasan, at suportahan ang mga awtoridad sa pagtugis sa mga nasa likod ng krimen.

“Tinitiyak namin na ang katarungan ay ipagkakaloob. Ang kapayapaan, In Shaa Allah, ay mananaig,” pahayag ni Macacua.