Isang empleyado ng lokal na pamahalaan ng Matalam ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ng kanyang pick-up truck sa Barangay Poblacion, ngayong Linggo, Pebrero 23.
Kinilala ang biktima bilang si Joseph Ferdinand “Boyet” Gimenez, isang driver ng LGU-Matalam at residente ng Barangay Lampayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ni Gimenez ang kanyang sasakyan nang pagbabarilin ng hindi pa natutukoy na suspek.
Dahil sa tama ng bala, nawalan siya ng kontrol sa manibela, dahilan upang mapadpad ang sasakyan sa gilid ng national highway.
Batay sa mga lumabas na ulat, maaaring madaling araw pa naganap ang krimen bago natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang sasakyan.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang alamin ang motibo at pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng pamamaril.