Sabi nga sa kasabihan, “Huli man at magaling, naihahabol din!” Ito ang patunay ng tagumpay ni Engr. Renair Palabasan, isang Electronics Engineering graduate ng Rizal Technological University (RTU). Sa kabila ng sampung taon sa kolehiyo, hindi lang siya nakapagtapos kundi nakapasok pa sa Top 10 ng 2024 Electronics Engineering Licensure Exam.
Dumaan si Engr. Renair sa maraming pagsubok, kabilang na ang pagkaantala ng kanyang pag-aaral matapos silang i-relocate ng gobyerno. Dahil sa layo ng biyahe at kakulangan sa pinansyal, napilitan siyang tumigil muna at magtrabaho bilang call center agent. Kalaunan, bumalik siya sa pag-aaral ngunit kinailangang ulitin ang ilang subjects dahil sa pagbabagong dala ng K-12 curriculum.
Aminado siyang noong una, takot siyang kumuha ng board exam. Pero nang makita ng kanyang mga propesor ang kanyang potensyal, itinulak siya ng mga ito na magpursige. Sa kabila ng lahat, nagbunga ang kanyang pagsisikap nang makuha niya ang ika-10 puwesto sa board exam.
Para sa mga tulad niyang matagal bago nakapagtapos, ang kanyang mensahe ay simple: “Hindi hadlang ang tagal o pagsubok sa kolehiyo para sa tagumpay. Hangga’t may buhay, may pag-asa. Lahat ay posible basta may sipag, tiyaga, at pananampalataya sa Diyos.”