Patay ang isang engineer matapos pagbabarilin sa ikalawang palapag ng ginagawang KCC Mall sa Cotabato City ngayong alas-2 ng hapon.

Kinilala ang biktima bilang si alyas Engr. Roland, na ayon sa kanyang mga kasamahan, nagtamo ng tatlong tama ng bala sa dibdib, likod, at paa.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang biktima ay mula sa Cebu City, habang ang kanyang kasamang sugatan ay isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) para sa agarang lunas.

Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang ginagawang mall, habang patuloy ang operasyon ng PNP at Marines sa loob ng gusali upang matukoy at mahuli ang suspek sa pamamaril.

Samantala, isang person of interest na hinihinalang may kinalaman sa insidente ang nahuli ng mga operatiba ng Police Station 1.

Kasalukuyan siyang sumasailalim sa interogasyon upang matukoy ang motibo sa krimen.