Napigilan ng 6th Infantry Battalion (6IB) ang sagupaan ng dalawang armadong grupo sa Brgy. Ganta, Shariff Saydona Mustaph, Maguindanao del Sur noong Marso 29, 2025, at nasamsam ang ilang armas at pampasabog.

Ayon kay Lt. Col. Al Victor Burkley, 6IB Commander, nakatanggap sila ng ulat mula sa mga residente tungkol sa tensyon sa pagitan ng grupo nina Badrudin Dagandal at Bendao.

Agad rumesponde ang tropa bandang alas-6:00 ng umaga, dahilan upang umatras ang mga armadong lalaki.

Nasamsam sa clearing operation ang dalawang M14 rifles, isang granada, at tatlong bandolier.

Iniimbak na ang mga ito sa 6IB headquarters para sa imbestigasyon.

Inatasan ni Brig. Gen. Edgar Catu ng 601st Brigade ang mga yunit ng militar na tugisin ang mga tumakas na grupo, habang patuloy na hinihikayat ang pagsuko ng loose firearms upang maiwasan ang karahasan.

Samantala, pinuri ni Maj. Gen. Donald Gumiran ng 6th Infantry Division ang maagap na ulat ng mga sibilyan, binigyang-diin ang paglabag sa election gun ban.

Binalaan rin niya ang mga armadong grupo na gagamitin ng militar ang puwersa kung magpapatuloy ang karahasan, kasabay ng panawagan para sa kapayapaan at kooperasyon.