Isa na namang dagok ang tumama sa hanay ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos makasamsam ang mga sundalo ng mga kagamitang pandigma sa naganap na engkwentro sa Sitio Kinawan, Barangay Kitudak, Lebak, Sultan Kudarat noong Setyembre 26.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Aeron T. Gumabao, Commanding Officer ng 57th Infantry “Masikap” Battalion, naganap ang sagupaan dakong alas-8:30 ng umaga matapos ang sumbong ng mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong grupo sa lugar.
Mula sa pinangyarihan ng insidente, narekober ng militar ang isang M16 rifle, isang granada, isang commercial radio (Baofeng), mga subersibong dokumento, personal na gamit, at mga suplay ng pagkain.
Para kay Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, malinaw na unti-unting nababawasan ang mga pinagtataguan ng CTG. “Hindi natin palalagpasin ang pagkakataon na wakasan ang banta na ito.
Paiigtingin at palalawigin natin ang operasyon upang pigilan ang karahasan at maibalik ang kapayapaan sa mga apektadong lugar,” pahayag niya.
Samantala, nanawagan naman si Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, sa mga natitirang kasapi ng CTG na iwan na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa pamahalaan.
“Sa halip na magtago at sayangin ang inyong buhay sa walang saysay na ideolohiya, piliin ninyong yakapin ang kapayapaan. Nananatiling bukas ang pamahalaan upang kayo’y matulungan makapagsimulang muli at mamuhay nang matiwasay kasama ang inyong pamilya,” ani Maj. Gen. Gumiran.
Patuloy na nakatutok ang Joint Task Force Central at ang 6th Infantry Division sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad laban sa banta ng terorismo.