Posibleng maramdaman ng mga mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang negatibong epekto ng pagpapaliban ng kauna-unahang halalang pang-parliamentaryo sa rehiyon.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay BARMM Member of Parliament at abogado na si Atty. Suharto Teng Ambolodto, MNSA, binigyang-diin niya na magiging limitado ang kilos ng mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng tulong at iba pang pangunahing pangangailangan sa rehiyon. Ito ay dahil daraan ang BARMM sa dalawang election periods na maaaring magdulot ng mga restriksyon sa pamamahagi ng serbisyo publiko.
Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal sa panahon ng eleksyon ang pamamahagi ng anumang uri ng tulong mula sa gobyerno upang maiwasan ang posibilidad ng vote-buying. Dahil dito, nagiging hamon para sa mga ahensya na ipagpatuloy ang kanilang regular na serbisyo sa mga nangangailangang residente ng BARMM.
Sa huli, humingi ng paumanhin at pang-unawa si MP Ambolodto sa mga maapektuhan ng nasabing paghihigpit. Ayon sa kanya, ito ay bahagi ng pagsunod ng gobyerno sa tamang paggamit ng pondo ng bayan at bilang hakbang upang mapanatili ang patas at malinis na halalan sa rehiyon.