Nakadagdag ng bigat ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes matapos isiwalat ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo ang umano’y komisyon na ibinibigay sa ilang mambabatas mula sa mga proyekto ng flood control.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Bernardo na personal siyang nag-abot ng 20 porsyento o tinatayang ₱160 milyon mula sa halagang ₱800 milyon sa isang Meynardo, na umano’y para kay Senador Chiz Escudero.

Bukod kay Escudero, binanggit din ni Bernardo ang pangalan ng dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Senadora Nancy Binay, at Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co bilang kabilang sa umano’y nakinabang sa iregularidad.

Hindi rin itinanggi ni Bernardo ang sarili niyang partisipasyon sa mga anomalya. Sa harap ng komite, iginiit niyang siya ay taos-pusong nagsisisi.

“Ako po ay umaamin sa aking mga nagawang mali… Buong puso akong humihingi ng kapatawaran at handang ituwid ang aking pagkakamali,” pahayag niya.

Kasabay ng pag-amin, naghain si Bernardo ng aplikasyon para makapasok sa Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ). Inirekomenda ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na dalhin si Bernardo sa DOJ para masuri nang masinsinan ang kanyang testimonya—na agad ding inaprubahan ng komite.