Hindi na talaga nakaakyat ng entablado sa graduation ceremony ang estudyanteng si Khentjoy Balsomo Beatisula, 20 taong gulang na residente ng Brgy. Fatima, matapos bawian ng buhay.
Ayon kay Alyas Panny, ina ng biktima, nauna nang pumunta ang kanyang anak sa Banisil National High School bandang alas-3 ng hapon upang dumalo sa graduation rites na ginanap kahapon (Abril 14, 2025). Makalipas ang ilang minuto, laking gulat ng ina nang matagpuang nakahandusay sa sahig ang anak, may sugat sa tuhod at kilay.
Sa imbestigasyon ng Fatima Police Station, kinumpirma ni PMaj. Westley Marillano, station commander ng nasabing himpilan, na nadapa at tumama ang estudyante sa semento.
Kinumpirma rin nito na walang foul play na sangkot sa pagkamatay ng estudyante.
Naitakbo pa ito sa ospital ngunit idineklarang patay ng mga sumuring doktor.
Sa opisyal na pahayag ng Banisil National High School, matinding kalungkutan ang nararamdaman ng mga guro at kaklase ni Khentjoy dahil sa insidente. Nananawagan ang paaralan sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Sa ngayon, inihahanda na ang kanilang tahanan sa Brgy. Fatima kung saan ihihimlay ang labi ng estudyante.