Patay ang isang 16-anyos na estudyante habang sugatan ang kanyang kaangkas matapos bumangga ang kanilang minamanehong motorsiklo sa isang kasalubong na minivan sa Sitio Mupak, Barangay Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao del Sur, pasado alas-8 ng umaga kanina.

Kinilala ni Datu Paglas Police Chief Lt. Col. Glen Mar Avisa ang nasawing rider na si Mohannadi Guiambao Mampo, residente ng Barangay Damakling, Paglat. Kasamang sugatan sa insidente ang kanyang kaangkas na si alyas Guiamad, 13-anyos, na taga Datu Paglas.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay umano ng Kawasaki Bajaj na motorsiklo ang dalawang menor de edad nang mawalan ng kontrol si Mampo sa manibela, dahilan upang direktang sumalpok sa kasalubong na puting minivan.

Hawak na ngayon ng Datu Paglas PNP ang driver ng minivan habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente.