Natagpuang wala nang buhay ang isang 19-anyos na estudyante matapos na pagsasaksakin sa loob ng kanyang kwarto sa Purok 3-A, Barangay La Filipina, Tagum City, nitong umaga ng Martes.

Kinilala ang biktima na si Sophia Marie G. Coquilla, estudyante ng University of the Philippines-Manila.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Tagum City Police, nadiskubreng wala nang buhay si Sophia ng kanyang mga magulang – duguan at may tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Umabot sa 38 ang natamong sugat na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.

Lumabas sa imbestigasyon na pinasok umano ng mga suspek ang kwarto ng biktima at pinatay gamit ang kutsilyo at iba pang matitigas na bagay, na narekober din sa crime scene.

Nawala rin ang ilang gamit ni Sophia gaya ng kanyang laptop, cellphone, relo, at iba pang personal na kagamitan.

Sa isinagawang hot pursuit operation, naaresto ang dalawa sa apat na hinihinalang suspek. Ayon sa pulisya, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito sa tulong ng CCTV footage na nakuha mula sa lugar ng krimen.

Narekober rin mula sa boarding house ng mga suspek ang ilang gamit ng biktima.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ang mga naarestong menor de edad na suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Robbery with homicide ang tinitingnang pangunahing motibo sa krimen, ayon sa pulisya.

Napag-alaman ding pamangkin ng kasalukuyang Tagum City Councilor na si Engr. Jun Coquilla ang biktima.