Sinentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong ang 65-anyos na dating Pangulo ng South Korea na si Yoon Suk-yeol ngayong Huwebes, Pebrero 19, matapos hatulang guilty sa insurrection charges kaugnay sa panandaliang deklarasyon niya ng martial law noong Disyembre 2024 na tumagal lamang ng anim na oras.

Ayon sa Seoul Central District Court, malinaw umano ang intensiyon ni Yoon sa kanyang deklarasyon na paralisahin ang National Assembly. Idiniin ni Presiding Judge Ji Gwi-yeon na ang hakbang ng dating Pangulo ay sumisira sa demokratikong proseso sa bansa, dahilan para igawad ang mabigat na kaparusahan.

Kasama sa mga isinasaalang-alang ng hukuman ang pagde-deploy ng armadong sundalo sa gusali ng parliyamento at ang paggamit ng helicopter sa pagdadala ng mga ito, na tinukoy bilang bahagi ng insurrection.

Pagkatapos marinig ang hatol, nanatiling kalmado si Yoon habang nagtipon ang libu-libong tagasuporta niya sa labas ng korte, ipinapakita ang kanilang pagkadismaya at galit sa desisyon ng hukuman.