Patuloy ang pakikipagdayalogo ng Ministry of Transportation and Communications – BARMM sa mga public transport operators sa rehiyon kaugnay ng hiling na taas-pasahe, kasabay ng tuloy-tuloy na pagbibigay ng fuel subsidy bilang tulong sa sektor.

Sa panayam Atty. Lady Hanifah R. Mindalano-Alonto, sinabi nitong may mga konkretong hakbang na ang ahensya katuwang ang iba pang tanggapan sa BARMM upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis, kabilang na ang subsidiya sa krudo.

Samantala, sa gitna ng tigil-pasada sa Cotabato City, nagpatupad ng libreng sakay ang Bangsamoro Airport Authority para sa mga biyaheng patungong Awang Airport. May libreng transportasyon din ang Civil Aeronautics Board of the Bangsamoro para sa mga pasaherong mula airport papuntang downtown area.

Iginiit ng MOTC-BARMM na pinapakinggan nila ang hinaing ng mga transport operator at patuloy na naghahanap ng solusyon upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.