Isang 51 anyos na food vlogger ang nasawi matapos kumain ng isang uri ng alimango na tinatawag na “devil crab” sa lungsod ng Puerto Princesa.

Kinilala ang biktima bilang si Emma, na nag-video pa mismo ng kanyang sarili habang nagluluto ng gata ng niyog at kumakain ng seafood na nakuha niya noong Pebrero 4.

Ayon sa mga ulat, bumagsak si Emma sa kanyang bahay isang araw matapos kainin ang alimango at agad na nagkaroon ng kombulsyon. Dinala siya sa ospital, ngunit idineklara siyang wala ng buhay noong Pebrero 6.

Batay sa inisyal na impormasyon mula sa mga awtoridad, posibleng ang biktima ay nakakain ng isang klase ng crustacean na naglalaman ng mapanganib na neurotoxins, kaya ito tinaguriang “devil crab.”

Nagpaalala ang mga lokal na opisyal sa publiko na mag-ingat sa pagkain ng hindi tiyak o hindi kilalang klase ng seafood upang maiwasan ang ganitong mga insidente.