Balik na muli sa BARMM government ang dating ministro ng interyor at lokal na pamahalaan o MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo.

Ito ay dahil sa nanumpa na ito bilang bagong Member of the Parliament kahapon, araw ng Lunes sa palasyo ng Malacañang sa harap ng Pangulong Bongbong Marcos.

Sa kanyan fb post, ipinahayag ni Atty. Naguib Sinarimbo ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa Makapangyarihang Allah para sa mga biyayang natanggap, kabilang ang Ramadan, pamilya, kaibigan, at tiwala ng kanyang mga kababayan, kasabay ng kanyang pagkakatalaga bilang bagong miyembro ng Bangsamoro Parliament sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ipinangako niyang gagamitin ang kanyang karanasan sa serbisyo publiko at sa Bangsamoro struggle upang makapag-ambag sa paggawa ng makatarungan at inklusibong mga batas na magsusulong ng kapayapaan, kaunlaran, at mas matatag na pamamahala sa BARMM.

Kung maalala, nagbitiw si Sinarimbo sa kanyang tungkulin noong taong 2023 bilang MILG minister at nagpasya itong tumakbo bilang District Parliament Representative sa lungsod ng Cotabato sa ilalim ng partidong Serbisyong Inklusibo – Alyansang Progresibo (SIAP) kung saan siya ang pangulo sa lungsod bago pa ang appointment nito bilang bagong MP.