Binisita ni Heneral Romeo Brawner Jr., ang pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP), ang mga sundalo ng 32nd Infantry Battalion na nasugatan sa isang labanan sa Sumisip, Basilan.
Sa kanyang pagbisita, personal na kinausap ni Heneral Brawner ang mga sugatang sundalo at ginawaran sila ng Wounded Personnel Medal bilang pagkilala sa kanilang katapangan at sakripisyo.
Matatandaang noong Enero 22, 2025, nagkaroon ng engkwentro sa Barangay Lower Cabengbeng, Sumisip, Basilan. 12 sundalo ang nasugatan at 2 ang nasawi sa insidenteng ito.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ang mga sundalo ng isang lehitimong operasyon na suportado ng United Nations Development Program (UNDP) nang sila ay tambangan ng mga pinaniniwalaang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Mariing kinondena ng 101st Infantry Brigade ang insidente at nanawagan sa pamunuan ng MILF na managot at kumilos upang maiwasan ang ganitong pangyayari sa hinaharap.
Patuloy na pinupuri ng AFP ang katapangan ng kanilang mga sundalo na nagtatanggol sa kapayapaan at seguridad ng bansa.