Ang kakulangan sa mga geodetic engineers o inhinyerong geodetiko ang naging inspirasyon ng tubong Kidapawan na magsikap at di naglaon, upang maging Top 1 sa licensure exam ng kanyang napiling propesyon.

Ito ang nagsilbing hamon sa sarili kay Engr. Vincent Pascua dahil sa mababang bilang ng kumukuha ng kursong geodetic engineering at ang kawalan nito sa mga paaralan sa probinsya.

Ayon kay Engr. Pascua, hinamon nito ang kanyang sarili na pumasok sa nasabing propesyon upang mahikayat pa ang mas nakararaming kabataan sa probinsya at sa lungsod na tahakin ang naturang larangan ng pagiging inhinyerong geodetiko.

Ang mga Geodetic Engineers na kalimitang tinatawag na Land Surveyors ay natatanging lisinsyado na inhinyerong nagsusukat ng lupa.

Ang mga ito ay nagsusuri din ng mga propriedad at lupa, o anumang development sa lupain.

Makakatulong din aniya ang mga geodetic engineers sa makabago, epektibo at malawak na pagtugon sa ibat ibang larangan tulad ng urban planning, management on disasters, commercial projects mapping at pangangalaga sa kapaligiran na nakukulapulan na ng Climate Change na sumisira din sa estado ng lupa sa bansa.

Bonus aniya para kay Engr. Pascua ang pagiging Top 1 dahil ang nais lang nito ay maipasa at maging Top 10 sa kanyang kinuhang eksaminasyon.

Pressurized aniya si Engr. Pascua dahil nagtapos ito bilang Cum Laude sa University of South Eastern Mindanao, Davao City.

Nagpasalamat ito sa Panginoon at mga Magulang na inspirasyon nito sa pagsisikap na maging matagumpay na inhinyero.