Nanindigan ang pamahalaan na patuloy nitong susuportahan at ipatutupad ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.
Ito ang pahayag ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. kasunod ng memorandum order ni MILF Chairman Murad Ebrahim na nagbabawal sa kanilang mga miyembro na makisali sa mga unilateral na programa ng gobyerno.
Ayon kay Galvez, itinuturing ng pamahalaan na internal na usapin ng MILF ang nasabing kautusan. Giit pa niya, ang tanging paraan upang maresolba ang ganitong mga pagkakaiba ay ang bukas at taos-pusong dayalogo sa pagitan ng dalawang panig.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ilang aktibidad sa peace process ang pansamantalang masususpinde dahil sa election ban ng Commission on Elections bilang paghahanda sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region sa darating na Oktubre 13.
Kabilang dito ang decommissioning ng mga combatant at kanilang armas, dahil ipinagbabawal ng COMELEC gun ban ang pagsasagawa ng ganitong operasyon.
Gayunman, tiniyak ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU na bukas itong makipag-ugnayan sa pamunuan ng MILF upang mapagkasunduan kung alin sa mga programa ang maaaring maipatupad nang hindi nalalabag ang election ban.
Binigyang-diin ni Galvez na nananatiling matatag at buhay ang proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro, dahil sa patuloy na pangako ng gobyerno at MILF na pangalagaan ang mga nakamit na kapayapaan.