Pinangunahan nina Governor Datu Ali M. Midtimbang at Vice Governor Ustadz Hisham S. Nando ang isang pulong at inspeksyon sa Barangay Fugotan, Talayan, na nasa hangganan ng Talayan at South Upi, nitong Oktubre 13, 2025.
Layunin ng aktibidad na suriin ang inihahaing Farm-to-Market Road at Bridge Project na nakatuon sa pagpapalakas ng koneksyon sa mga kalsada at pagpapaunlad ng mga pamayanang katutubo o Indigenous Peoples (IP) sa nasabing lugar.
Kasama sa naturang inspeksyon sina Board Member Rahib Nando, Chairperson ng Committee on Infrastructure; Police Colonel Salman Sultan H. Sapal, Provincial Director ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office; at mga kinatawan mula sa PRDP-MAFAR-BARMM, Provincial Engineering Office, at MCX International.
Sinuri ng grupo ang 40-kilometrong provincial road na nagdudugtong sa mga bayan ng Talayan at South Upi, na dumaraan din sa mga munisipalidad ng Guindulungan, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, at Datu Hoffer — isang mahalagang ruta na itinuturing na susi sa pagpapaunlad ng ekonomiya at kabuhayan ng mga upland communities sa Maguindanao del Sur.