Muling nanawagan si Governor Edwin “Kuya Gob” Jubahib sa mga natitirang miyembro ng New People’s Army (NPA) na iwan na ang armadong pakikibaka at maki-isa sa mga programa ng pamahalaan para sa kapayapaan at kaunlaran.

Sa isinagawang pagsuko ng siyam na dating rebelde noong Oktubre 9, binigyang-diin ni Jubahib na panahon na upang isantabi ang labanan at magtulungan para sa mas maunlad at mapayapang kinabukasan ng lalawigan.

Hinikayat din niya ang mga nasa kabundukan na bumaba na at harapin ang kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng legal na paraan. Tiniyak ng gobernador na patas ang magiging pagtrato sa kanila at may kalakip na tulong mula sa pamahalaan.

Isinuko ng mga nagbalik-loob ang apat na piraso ng baril, na may katumbas na kompensasyon sa ilalim ng reintegration program ng gobyerno. Ilan sa mga sumuko ay mula pa sa karatig-lalawigan ngunit piniling magbalik-loob sa Davao del Norte dahil sa magandang pagtrato ni “Kuya Gob” sa mga dating rebelde.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga ito sa tulong ng gobernador at nanawagan din sa iba nilang kasamahan na sumunod sa kanilang halimbawa.

Muling tiniyak ni Gov. Jubahib ang kanyang kahandaan na tanggapin at tulungan ang mga nais bumalik sa pamahalaan. Kasama sa mga ipagkakaloob na tulong ang mga programang pangkabuhayan, pagsasanay sa TESDA, at ang KAAGAPAY Program para sa tuloy-tuloy na kabuhayan.

Binigyang-diin niya na nananatiling tapat ang pamahalaang panlalawigan sa adhikaing matulungan ang mga dating rebelde na mamuhay nang mapayapa, produktibo, at walang takot sa kanilang mga komunidad.