Muling tiniyak ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army ang kanilang buong suporta para sa ligtas, maayos, at mapayapang pagsasagawa ng kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa Oktubre 13, 2025.

Ginawa ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central (JTFC), ang pahayag sa isinagawang paglagda ng mga panuntunan para sa mutual understanding sa pagitan ng Government of the Philippines (GPH) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG) noong Agosto 15 sa Cotabato City.

Kasabay din dito ang paglulunsad ng GPH-MILF Peace Mechanism Quick Response Team (QRT). Ayon kay Maj. Gen. Gumiran, “Higit pa ito sa isang kasunduan ng tigil-putukan—isa itong pangako na ipagtatanggol ang kapayapaan at demokrasya. Sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagtutulungan, sabay nating isinusulat ang kasaysayan.”

Ipinaliwanag din niya na magsisilbing pangunahing depensa laban sa anumang election-related violence ang QRT, habang ang nilagdaang mga panuntunan ay magsisilbing gabay upang mapanatili ang kaayusan at katatagan sa panahon ng halalan.

Nilagdaan ang kasunduan ng mga pangunahing opisyal mula sa GPH, MILF, at Commission on Elections (COMELEC) – BARMM, bilang patunay ng pagkakaisa para sa malinis at mapayapang halalan sa Bangsamoro. Dagdag pa ni Maj. Gen. Gumiran, “Ang ating pagtutulungan ngayon ang magiging pundasyon ng mapayapang kinabukasan. Ito ay tagumpay ng lahat ng naniniwala sa pangmatagalang kapayapaan.”

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing aktibidad sina PA Cesar B. Yano, Chair ng Government Peace Implementing Panel; Police Major General Romaldo G. Bayting, Chairman ng GPH-AHJAG; Brigadier General Patricio Ruben P. Amata, Chairman ng GPH-CCCH at Assistant Division Commander ng 6ID; MP Butch P. Malang, Chairman ng MILF-CCCH; Director Anwar P. Alamada, Chairman ng MILF-AHJAG; Major General Francisco Ariel A. Felicidario III (Ret.), Co-Chair ng GPH-JPSC; Minister Abunawas S. Maslamama o Hon. Von Alhaq, Co-Chair ng MILF-JPSC at MAFAR-BARMM; Atty. Ray Sumalipao, Regional Director ng BARMM-COMELEC na kinatawan ni Atty. Muamar A. Guyo, Provincial Election Supervisor ng Maguindanao del Norte; P/Brig. Gen. Jaysen De Guzman, RD ng PROBAR; mga Brigade Commander mula sa JTFC; mga kinatawan ng iba pang security sectors; at iba pang panauhin.

Layon ng naturang inisyatiba na matiyak ang mapayapa, maayos, at kapani-paniwalang halalan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga nilagdaang panuntunan kaugnay ng ceasefire at pagpapakilos sa GPH-MILF Peace Mechanism QRT. Itinuturing din ito bilang matibay na simbolo ng pagpapatuloy ng ugnayan at pagtutulungan ng GPH at MILF para mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Bangsamoro—lalo na sa pagdaraos ng makasaysayang kauna-unahang parliamentary election sa rehiyon.