Nasawi ang isang Grade 4 na mag-aaral matapos aksidenteng makuryente habang nag-aayos ng extension cord sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Bagumbayan nitong Huwebes Santo, Abril 17, 2025.
Kinilala ang biktima na si Jea Mae Suarez, 10 taong gulang. Batay sa inisyal na ulat, sinubukan lamang umano ni Jea na ikabit ang extension cord sa isang convenience outlet nang mangyari ang insidente. Sa hindi inaasahang pangyayari, agad siyang nakuryente, na naging sanhi ng kanyang pagkawala.
Agad siyang isinugod ng kanyang mga kaanak sa isang pagamutan upang malapatan ng lunas, ngunit idineklara na siyang dead on arrival ng mga doktor.
Dumagsa naman ang pakikiramay sa pamilya Suarez, na labis ang hinagpis sa biglaang pagpanaw ni Jea. Ayon sa mga lokal na opisyal, mag-aabot sila ng tulong pinansyal para sa gastusin sa pagpapalibing, katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.
Patuloy namang pinaaalalahanan ang publiko na maging maingat sa paggamit ng mga electrical devices lalo na sa mga kabahayan, upang maiwasan ang ganitong klaseng trahedya.