Isang insidente ng pagsabog ang naganap sa Rosales Street, Rosary Heights 6, Cotabato City pasado alas-4:50 ng hapon ngayong Hulyo 18, 2025, matapos umanong sumabog ang isang fragmentation grenade sa loob ng isang bahay.
Ayon sa ulat ng Cotabato City Police Station 2, agad silang nakatanggap ng tawag ukol sa insidente at nakarating sa lugar makalipas lamang ang tatlong minuto.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pagsabog sa tahanan ng isang Nor-Ain Nur Pendaliday, 49 anyos, empleyado ng Ministry of Health–BARMM. Masuwerte namang walang tao sa bahay nang mangyari ang pagsabog kaya’t walang nasugatan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 2, kasama ang mga kasapi ng CMFC-CCPO at MBLT-6, upang i-kordon ang lugar. Nakarekober ng mga pira-pirasong bahagi ng granada na kasalukuyang isinailalim sa pagsusuri ng Crime Scene Unit ng CCPO upang matukoy ang eksaktong klase ng pampasabog.
Ayon kay Police Major Teofisto R. Ferrer Jr., patuloy ang hot pursuit operation at inaalam na rin ang mga posibleng suspek sa likod ng krimen. Kukuha rin ng CCTV footage mula sa mga kalapit na bahay bilang bahagi ng follow-up investigation.
Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga ebidensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.