Mariing kinondena ng pamunuan ng Lalawigan ng Cotabato, sa pangunguna ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, ang pagsabog ng granada na naganap sa National Highway sa Purok Ipil-ipil, Barangay Dalapitan, bayan ng Matalam, bandang alas-dose ng hatinggabi nitong Enero 1, 2026.
Ayon sa paunang ulat ng mga awtoridad, umabot sa dalawampu’t dalawang (22) indibidwal ang isinugod sa iba’t ibang ospital matapos masugatan sa insidente. Sa kabila nito, wala namang naitalang nasawi hanggang sa huling update.
Binigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan na walang puwang ang anumang uri ng karahasan sa lalawigan at agad na ipinatupad ang mga hakbang upang matulungan ang mga biktima ng pagsabog.
Tiniyak din ng pamunuan ng lalawigan ang pakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at matukoy ang mga responsable sa krimen. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa motibo at pinagmulan ng naturang pagsabog.

















