Ikinaalarma ng isang LGBTQIAP+ group sa lungsod ng Cotabato ang ulat ng dumaraming kaso ng HIV-AIDS o Human Immunodeficiency Virus-Acquired Immunodefeciency Syndrome sa BARMM at Cotabato City ngayong taon.
Sa panayam ng Star FM Cotabato kay Ms. Zendra William, ang tagapamuno ng LGBT Pilipinas sa Cotabato City at Region 12 alarming o nakababahala ang 83 na indibidual na naitala na mayroong kaso ng HIV o mga HIV Positive sa Bangsamoro Region.
Sa 83 na kaso, 39 ang naitalang HIV positive na mula sa lungsod o inside of Cotabato City habang ang 44 ay nagmula sa iba’t-ibang lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Apat (4) sa mga positibo ay babae, 7-lalaki, 71-MSM o Male Sex with Male, at 1-Unknown.
Aniya, mga bisexual ang karamihan na nasa tala ng 83 na kaso na ito.
Ginagawa na ng grupo ni Ms. Zendra ang lahat ng kanilang makakaya tulad ng trainings upang magkaroon ng awareness pag-iingat sa naturang sakit.
Dagdag pa ng naturang pinuno, handa rin ang kanilang grupo na tulungan ang mga HIV positive na nahihiya at bukas sa kanila ang opisina nito na magbigay ng tulong sa pamamagitan ng mental health counselling, briefing maging legal advisory.
Aniya, confidential ang kanilang pagkakakilanlan at kanilang yayakapin ang anumang idudulog hinggil sa usapin.
Bukod pa rito, bibigyang importansya din ng kanilang organisasyon ang information dissemination campaign upang maipaliwanag ng maayos ang naturang sakit at kung saan ito nakukuha, kalimitan ay sa pamamagitan ng pagtatalik.
Vigilance din ang kailangan upang maiwasan ang naturang HIV.
Panghuli, nanawagan din si Ms. Zendra sa publiko partikular na din sa mga hihingi ng HIV kit na bukas ang kanilang opisina upang yakapin ang kanilang takot at hiya sa naturang karamdaman.