Sugatan ang isang security guard matapos pagbabarilin sa kanyang pinagtatrabahuhang sanglaan sa Makakua St., Poblacion 5, bandang 3:50 ng hapon ngayong araw.

Kinilala ng Cotabato City Police Office (CCPO) Spokeswoman PLT. Rochelle Evangelista ang biktima na si Dominic Jumawan Villar, isang residente ng Poblacion 7 at hiwalay sa asawa.

Ayon sa mga imbestigador, hindi pa tukoy ang motibo ng hindi pa nakikilalang suspek sa pamamaril kay Villar.

Agad namang isinugod ng mga rumespondeng pulis ang biktima sa pinakamalapit na ospital matapos tamaan ng bala sa itaas na bahagi ng katawan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pangangalap ng ebidensya ng kapulisan upang matukoy ang suspek sa pangalawang insidente ng pamamaril sa lungsod.

Kabilang sa iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga CCTV footage mula sa lugar ng krimen upang makatulong sa paglutas ng kaso.

Magbibigay pa ng karagdagang impormasyon ang CCPO habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.