Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon na sinuspinde na ang Gun Ban at iba pang ipinagbabawal na aktibidad kaugnay ng gaganaping BARMM Parliamentary Elections sa Oktubre 13, 2025.

Ayon sa COMELEC, patuloy na umiiral ang itinakdang Campaign Period mula Agosto 28 hanggang Oktubre 11, at ang Election Period mula Agosto 14 hanggang Oktubre 28. Wala umanong inilalabas na panibagong direktiba ang ahensya na nagbabago sa mga nasabing iskedyul.

Dahil dito, nananatiling may bisa ang lahat ng ipinagbabawal sa ilalim ng Campaign at Election Periods, kabilang ang Gun Ban, Public Works Ban, Ayuda Ban, at ang ganap na pagbabawal sa paggamit ng pampublikong pondo, maliban lamang para sa medical at burial assistance. Patuloy ring umiiral ang pagtatatag ng COMELEC checkpoints.

Dagdag pa rito, nagpapatuloy rin ang pagproseso ng mga request for authority at iba pang kahalintulad na aplikasyon, alinsunod sa Omnibus Election Code, mga umiiral na batas, at alinsunod sa itinatakda ng COMELEC Resolution No. 11156 na ipinromulga noong Hulyo 10, 2025.