Sa araw mismo ng huling hantungan ng kanyang yumaong asawa, nasawi rin sa isang trahedyang aksidente ang isang ama, na lalong nagpalalim sa iniwang dalamhati ng kanilang dalawang menor-de-edad na anak.
Kinilala ng Cotabato Provincial Police Office ang biktimang si Junifel Conel, Sr., kawani ng Cotabato Provincial Engineer’s Office. Ayon sa imbestigasyon, minamaneho ni Conel ang kanilang Mitsubishi Adventure patungo sa isang water refilling station sa Barangay Kilada, Matalam bandang Sabado ng umaga, nang bigla itong mawalan ng kontrol sa manibela.
Sa lakas ng impact, sumalpok ang sasakyan sa isang nakaparadang Isuzu ten-wheeler truck sa gilid ng highway. Dead on the spot si Conel habang sugatan naman ang kanyang anak na si Junifel, Jr. na kasamang sakay ng sasakyan.
Nagtamo rin ng minor injuries ang driver ng trak na si Ryan Puno Osumo, na agad na sumuko sa awtoridad ng Matalam Municipal Police Station para sa imbestigasyon.
Batay sa pahayag ng mga kaanak at barangay officials, posibleng nakatulog si Conel sa pagmamaneho bunsod ng labis na puyat at pagod mula sa pagbabantay sa burol ng kanyang asawang namayapa kamakailan. Araw iyon ng libing ng kanyang kabiyak.
Ngayon, dalawang ulilang bata ang naiwan ng mag-asawa—isang trahedyang naganap sa gitna ng panahon ng pagluluksa.