Hindi simbahan, hindi hardin, at hindi engrandeng bulwagan — kundi ang malamig na silid ng ICU ng Madonna General Hospital sa Kidapawan City ang naging saksi sa isa sa pinakatouching na kasalan ng taon.

Dito, sa pagitan ng mga makina at tunog ng life support, ay pinag-isa ni Mayor Jose Paolo “Pao” Evangelista ang dalawang pusong matagal nang nagmamahalan — halos tatlong dekada nang magkasama, ngunit ngayon lang opisyal na naikasal.

Sa kabila ng panghihina ng groom na may karamdaman sa puso, hindi nito pinigilan ang kanilang matagal nang pangarap — ang maging mag-asawa bago man lang siya tuluyang mawalan ng hininga.

Ayon kay City Civil Registrar Atty. Christopher Cabelin, saksi siya sa isang seremonyang hindi kailangan ng engrandeng dekorasyon o banda.

“It was a marriage by articulo mortis — sa pagitan ng buhay at kamatayan. Doon mo makikita kung gaano kalalim ang pag-ibig na kahit ang oras, hindi kayang pigilan,” ani Cabelin, habang nangingilid ang luha.

Mabilis na dumating si Mayor Pao mula sa isang event matapos marinig ang kagyat na kahilingan ng pamilya. Dito, sa pagitan ng paghinga at pagluha, narinig ang mga katagang “Oo, tinatanggap kita…” — mga salitang umalingawngaw sa loob ng ICU at nagpaiyak maging sa mga doktor at nurse.

Isa sa mga nurse ng ospital ang nagbahagi sa social media ng kanyang emosyonal na karanasan:

“Hindi ko mapigilang maiyak. Sa gitna ng takot at sakit, may pag-ibig pa ring matatag. To the couple, congratulations. May your love be the greatest medicine.”

Walang bulaklak, walang tugtog ng wedding march — ngunit puno ng puso at katapatan ang seremonyang iyon.

Sa mga panahong ang buhay ay naglalaro sa pagitan ng hinga at paghinga, may mga pusong pipili pa ring magmahal… hanggang sa huling tibok.