Dalawang lalaki ang naaresto kagabi matapos makipaghabulan sa mga kasapi ng Philippine Marines sa lungsod ng Cotabato.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang MBLT-5 ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa dalawang kahina-hinalang lalaki na sakay ng motorsiklo na nag-iikot sa lugar ng Rosary Heights 3, Cotabato City.

Nang makita ng mga marines ang mga suspek, sinubukan nilang parahin ang motorsiklo ngunit sa halip na tumigil, pinaharurot pa ng mga ito ang kanilang sasakyan.

Dahil dito, agad silang hinabol mula Rosary Heights 3 hanggang sa mahuli sa isang checkpoint sa Barangay Mother Tamontaka.

Kinilala ang mga naarestong lalaki bilang sina Abdulracman Darping at Jemel Badal, parehong residente ng Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakuha mula sa mga ito ang isang Cal. 45 1911 pistol, isang magazine, at mga bala.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP ang mga suspek pati na rin ang mga nakuhang armas.