Pormal nang itinalaga ng Central Committee ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) si MILF-Adhoc Joint Action Group (AHJAG) Chairman Anwar Alamada bilang certifying officer para sa mga miyembro ng MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) na nais mag-apply ng amnestiya.
Ayon sa MILF Central Committee, mahalaga ang nasabing hakbang bilang bahagi ng nagpapatuloy na proseso ng kapayapaan at normalisasyon sa pagitan ng MILF at pamahalaan. Bahagi rin ito ng mas matibay na koordinasyon sa National Amnesty Commission (NAC).
Bilang certifying officer, si Alamada ang may tungkuling magpatunay at mag-endorso ng mga lehitimong miyembro ng BIAF-MILF na nagnanais makakuha ng amnestiya. Tinitiyak din niyang ang lahat ng aplikasyon ay dumadaan sa masusing proseso, may integridad, at alinsunod sa mga probisyon ng normalization track sa ilalim ng GPH-MILF Peace Agreement.
Sa huli, iginiit ng MILF Central Committee na ang pagtatalaga kay Alamada ay layuning mapanatili ang kredibilidad ng amnesty program at mapalakas ang pagpapatupad ng mga hakbang sa ilalim ng proseso ng normalisasyon.