Sa nalalabing 83 araw bago ang kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region, muling nanawagan ang COMELEC sa mga civil society organizations (CSOs), Bangsamoro Information Office (BIO), at iba pang lokal na partner na tumulong sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa mga botante.
Sa consultative meeting noong Hulyo 22, sinabi ni COMELEC Acting Director IV Atty. Frances Carolyn Aguindadao-Arabe na mahalaga ang papel ng mga organisasyon para matiyak ang malinis, mapayapa, at tapat na halalan sa BARMM sa darating na Oktubre 13.
Dagdag pa niya, ang halalan ay bunga ng dekada-dekadang pakikibaka para sa tunay na awtonomiya at kapayapaan.
Binigyang-pansin rin ni Aguindadao-Arabe ang mataas na antas ng interes mula sa pandaigdigang komunidad.
“Maraming tagamasid mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang sumusubaybay sa ating halalan bilang isang mahalagang hakbang ng demokrasya sa rehiyon,” ani niya.
Kabilang sa mga dumalo ang iba’t ibang grupo na nagpahayag ng suporta sa pamamagitan ng voter education programs.
Sinabi ni Arabe na ang partisipasyon ng botante ang magiging sukatan ng tagumpay ng halalan.
Magpapatuloy ang mga konsultasyon sa Basilan at Tawi-Tawi, at nakatakdang ilunsad ang opisyal na kampanya sa Agosto 19 sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City.