Nasabat ng mga awtoridad ang halos ₱26 milyon halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa loob ng isang hotdog roller machine sa isinagawang operasyon sa isang bodega sa Pasay City.
Ayon sa Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport, natuklasan ang ilegal na droga matapos maharang ang isang inabandonang parcel sa isinagawang interdiction operation kasama ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad, lumabas na ang shipment na idineklarang “hotdog roller machine” ay ginamit upang pagtaguan ng apat na heat-sealed na transparent plastic bags na binalot sa aluminum foil. Sa loob nito ay may humigit-kumulang 3,962 gramo ng puting kristal na substansiya na hinihinalang Methamphetamine Hydrochloride (Shabu).
Tinaya ng mga opisyal na umaabot sa ₱26,941,600 ang kabuuang halaga ng nasabing kontrabando.
Matapos ang paunang pagsusuri noong Enero, pormal na isinuko ng Bureau of Customs ang nakumpiskang ebidensya sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa wastong kustodiya at karagdagang imbestigasyon kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon sa BOC, bahagi ang nasabing operasyon ng pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa pagpasok ng ilegal na droga at iba pang kontrabando sa bansa, alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr..
Patuloy naman ang mahigpit na pagbabantay ng BOC-NAIA sa pangunguna ni Yasmin Obillos-Mapa, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno, upang masawata ang mga iligal na shipment na pumapasok sa pangunahing paliparan ng bansa.

















