Umabot sa 49,173 pamilya ang apektado ng biglaang pagbaha sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, ayon sa ulat ng Bangsamoro Government.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay BARMM Cabinet Secretary at tagapagsalita na si Mohd Asnin Pendatun, sinabi nitong 14 na bayan at 138 barangay sa Maguindanao del Sur ang nakaranas ng matinding pagbaha, habang sa Maguindanao del Norte naman ay 1,202 pamilya ang naapektuhan.

Sa ngayon, tanging bayan ng Datu Piang pa lamang ang nagdeklara ng State of Calamity sa gitna ng pinsalang idinulot ng kalamidad.

Mayroong 10 evacuation centers sa Maguindanao del Sur na pansamantalang kumukupkop sa 1,324 na pamilya, na karamihan ay mula sa Datu Piang, gayundin sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, at Datu Paglas.

Patuloy naman ang pagmomonitor at pagbibigay ng ayuda ng BARMM Government alinsunod sa kautusan ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.