Nagbabala ang Department of Energy (DOE) sa publiko, partikular sa mga motorista, na muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo.
Ayon kay Assistant Director Rodela Romero ng DOE Oil Industry Management Bureau, ang presyo ng gasolina ay inaasahang tataas ng P2.50 hanggang P3.00 kada litro.
Mas malaki ang itataas ng diesel na nasa pagitan ng P4.30 hanggang P4.80 kada litro, habang ang kerosene ay posibleng sumipa ng P4.25 hanggang P4.40 kada litro.
Paliwanag ng DOE, nitong Miyerkules ay tumaas ng halos $3 kada bariles ang diesel sa pandaigdigang merkado, dahilan upang umabot pa sa halos P5.00 ang dagdag-presyo kada litro.
Ang huling pagkakataong nakaranas ang bansa ng halos P5.00 pagtaas sa diesel ay noong Marso 2022, bunsod ng pag-ban ni dating U.S. President Joe Biden sa pag-angkat ng langis, liquefied natural gas, at coal mula sa Russia.
Ang nasabing price adjustment ay nakatakdang ipatupad sa Martes, alinsunod sa karaniwang iskedyul ng mga kompanya ng langis.