Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Sulu, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at militar, ang isang high-value target sa Barangay Tanduh Bato, Luuk, Sulu kahapon Pebrero 23, 2025.
Nasamsam sa operasyon ang isang (1) eco-bag na may lamang heat-sealed transparent plastic bag ng shabu na may timbang na humigit-kumulang 1 kilo at may halagang ₱6.8 milyon. Nakuha rin ang isang mobile phone mula sa suspek.
Kinilala ni PDEA Director Gil Cesario P. Castro ang naarestong suspek bilang si alias Dens/Maj, 32-anyos, mula Barangay Mananti, Luuk, Sulu. Samantala, nakatakas naman ang isa pang suspek na si alias Dhas matapos tumakas gamit ang motorsiklo. Sa kabila ng agarang hot-pursuit operation, hindi pa rin siya nahuli at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Director Castro, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng matibay na kooperasyon ng PDEA, Philippine Army, Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya sa paglaban sa iligal na droga. “Patuloy tayong magsasagawa ng mga operasyon upang buwagin ang mga sindikato ng droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon ng Bangsamoro,” dagdag niya.