Nasamsam ng Philippine National Police (PNP), sa pakikipagtulungan sa Bureau of Customs (BOC), ang 2,483 kahon ng smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng PhP 97,457,750, sa isang joint law enforcement operation noong Enero 6, 2026 sa Barangay Gumagadong Calawag, Parang, Maguindanao del Norte.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa economic sabotage, at sa gabay ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. Ang operasyon ay sakop ng Letter of Authority mula sa BOC at pinangunahan ng personnel ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) kasama ang Criminal Investigation and Detection Group–BAR.
Natagpuan ang mga smuggled cigarettes na nakalibing sa loob ng isang umano’y warehouse sa lugar. Ang nasamsam ay lumalabag sa Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Republic Act No. 12022 (Anti-Agricultural and Economic Sabotage Act). Lahat ng narekober ay na-inventory at na-turn over sa BOC para sa tamang dokumentasyon, case build-up, at legal na disposisyon. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga sangkot.
Ani Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, pinapurihan ang mga yunit at katuwang na ahensya sa mahusay na koordinasyon. Binanggit niya na ang operasyon ay patunay ng matatag na commitment ng PNP na sugpuin ang smuggling, protektahan ang pambansang ekonomiya, at maghatid ng tapat at maagap na serbisyo sa mamamayang Bangsamoro.

















